
Patay na nang matagpuan ang isang babae na unang iniulat na nawawala sa Barangay San Isidro, Naguilian, La Union kahapon.
Positibong kinilala ng mga kaanak ang bangkay at siya ang nawawalang si Thelma Liza Cachero, na natagpuan sa damuhang bahagi ng Sitio Mallare.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Max Terence Cachero, January 30 ng umaga nang pumasok sa trabaho bilang saleslady sa isang mall ang biktima.
Huli siyang nakita sa CCTV na naglalakad palabas ng kanilang bahay sa Sitio Lower Sapilang para pumara ng tricycle sa kalsada.
Pagdating ng hapon nang susunduin na sana ang biktima ng asawa ng kanyang pinsan, sinabi ng pinagtatrabahuhan nito na hindi siya pumasok.
Hindi na rin makontak ang kanyang cellphone.
Dito na nag-alala ang kanyang pamilya at nanawagan sa publiko na ipagbigay alam kung may nakakita sa kanya.
Umaga na ng February 2 nang makita ang bangkay ni Thelma.
Isinailalim na sa autopsy ang bangkay ng biktima pero base sa nakita nila sa bangkay ay tila sinakal ito dahil sa nakapulupot na ID sa leeg nito.










