Pinaalalahanan ng National Privacy Commission (NPC) ang publiko na ang mga sensitibong personal na impormasyon sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno ay hindi dapat isapubliko.

Ayon sa NPC, pinapayagang humiling ng kopya ng SALN mula sa mga itinalagang repository agency, ngunit dapat ay may malinaw na layunin ang humihiling at hindi ito gagamitin para manakot o lumabag sa batas at moralidad.

Ipinaalala rin ng ahensya sa mga tanggapan na nag-iingat ng SALN na i-redact o takpan ang mga sensitibong detalye na hindi kailangan sa layunin ng humihiling, upang maiwasan ang posibleng cyberthreats o maling paggamit ng impormasyon.

Kung kinakailangan namang makita ang redacted na bahagi para sa lehitimong layunin, tulad ng paghahambing o pag-verify sa isang kaso, binigyang-diin ng NPC na hindi ito dapat isapubliko ng sinumang makatatanggap ng impormasyon.

Ang paalala ng NPC ay kasunod ng bagong memorandum ng Office of the Ombudsman na nag-aalis ng dating limitasyon sa pag-access ng publiko sa SALN, kabilang na rito ang mga opisyal tulad ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, at mga pinuno ng mga Constitutional Office at lokal na pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --