Tinatalakay ngayon sa House Committee on Justice ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Bise Presidente Sara Duterte matapos mapansin ang umano’y kawalan ng idineklarang cash at bank deposits mula 2019 hanggang 2024.

Batay sa mga dokumentong ipinakita sa pagdinig, may naitala pang liquid assets si Bise Presidente Sara Duterte noong mga nakaraang taon, ngunit nawala umano ito sa mga sumunod niyang SALN kahit patuloy ang pagtaas ng kanyang net worth.

Sa pagdinig, tinanong ni House Committee on Justice Member at Manila Representative Joel Chua ang kinatawan ng Office of the Ombudsman na si Karen Batu kung posible bang walang idineklarang cash ang bise presidente sa loob ng ilang taon.

Binanggit din ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon ang tinatawag na “P50 million gap” sa kita ni VP Sara mula pa noong 2007.

Samantala, sinabi ni Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima na nakababahala ang mga lumabas sa SALN at dapat itong mas malinaw na maipaliwanag.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa mga tala, tumaas ang net worth ni VP Sara mula P7.2 milyon noong 2007 hanggang P88.5 milyon noong 2024.

Hanggang ngayon, wala pang pahayag ang kampo ni Bise Presidente Sara Duterte, ayon sa kanyang tagapagsalita na si Attorney Michael Poa.