Itinaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes matapos maging tropical storm si Salome.

Batay sa pinakahuling monitoring, si Salome ay namataan sa baybayin ng Basco, Batanes, taglay ang lakas ng hangin na 65 km/h at pagbugsong aabot sa 90 km/h. Kumikilos ito pa-timog timog-kanluran sa bilis na 20 km/h.

Nasa Signal No. 1 naman ang kanlurang bahagi ng Babuyan Islands (Calayan at Dalupiri) at hilagang-kanlurang bahagi ng Ilocos Norte (Bangui, Pagudpud, Burgos, Pasuquin, Bacarra, Laoag City).

Inaasahang magdadala si Salome ng malalakas na pag-ulan sa Batanes hanggang Biyernes. Posible itong mag-landfall o dumikit sa Batanes sa loob ng 12 oras, at sa Babuyan Islands ngayong umaga, pati na sa Ilocos Norte pagsapit ng tanghali o hapon.

Tinatayang hihina ito bilang tropical depression sa loob ng 12 oras at tuluyang magiging remnant low pagsapit ng Biyernes.

-- ADVERTISEMENT --