Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga otoridad matapos ang naganap na salpukan ng closed van at commuter van sa lansangan sa Brgy. Nagcuartelan, Nueva Vizcaya na ikinasawi ng dalawang katao habang kritikal naman sa pagamutan ang 12 iba pa.

Ayon kay PCAPT Nicon Magalued, tagapagsalita ng PNP Nueva Vizcaya, ang commuter van na minaneho ni Darwin Raquipo, 43 anyos na mula sa Santiago City ay mayroong 19 na pasahero at karamihan sa mga ito ay menor de edad na ang pinakabata ay dalawang taong gulang kung saan binabaybay nila ang lansangan pauwi na sana sa Santiago Isabela.

nasa kasalungat na bahagi naman ng lansangan ang closed van na minaneho ni Ciriaco Vertodazo, 40 anyos na residente sa bayan ng Dupax del Norte sakay ang dalawa niyang pasahero na nasa direction patungo ng Manila.

Sinabi ni Magalued na batay sa imbestigasyon ay umagaw umano sa linya ang commuter van kaya nabangga nito ang kasalubong na close van.

Nang isugod aniya sa ospital ang mga sugatang biktima ay idineklarang dead on arrival si Vertodazo at ang isang pasahero ni Raquipo na kinilalang si Mariano Travez.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Magalued, prinotektahan ng mga nakakatandang sakay ng commuter van ang mga kasama nilang mga bata kayat sila ang nagtamo ng matinding sugat sa katawan at naging kritikal habang ang isang pasahero naman ng closed van ay nakalabas na at isa rin sa kanila ang kritikal pa sa ospital.