Nagbigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng paunang tulong sa pamilya ng college student na nakaranas ng hindi magandang pagtrato mula sa isang security guard ng isang mall na nag-viral sa social media ang kuhang video sa pangyayari.

Personal na ibinigay ni Assistant Secretary at DSWD spokesperson Irene Dumlao ang P20,000 sa ina ni Jenny 22 years old, na binibigyan ngayon ng pangalang “sampaguita girl.”

Sinabi ni Dumlao sa ina ni Jenny na si Judith na ang halaga ay paunang tulong lamang at muling magsasagawa ng karagdagang interview ang kanilang case manager para sa karagdagang tulong sa pamilya.

Ipinaliwanag ni Dumlao na magsasagawa ng karagdagang assessment ang social workers ng DSWD sa sitwasyon ng pamilya para malaman kung ano ang mga nararapat na dagdag na tulong na maibibigay sa kanila, tulad ng Sustainable Livelihood Program (SLP), na makakatulong sa kanila na mapalago ang kanilang sampaguita business.

Sa interview kay Nanay Judith, sinabi niya na minsan din siyang beneficiary ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), sunbalit nagtapos na sila sa programa nang mag-19 years old na ang kanilang bunso.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa sa kanya, na first-year college ngayon si Jenny sa kursong Bachelor of Science in Medical Technology.

Sinabi niya na nagsusumikap si Jeny na makapagtapos ng pag-aaral at nagtitinda siya ng sampaguita pagkatapos ng kanyang klase para kumita ng pera para sa gastusin sa kanyang pag-aaral at anoman ang matitira ay itinatabi para sa kanilang matrikula.

Idinagdag pa ni Judith na siya mismo ang gumagawa ng sampaguita, at ang kanyang asawa, kasama ang kanilang mga anak naman ang nagtitinda.

Kaugnay nito, kinumpirma ng pamilya na hindi na sila magsasampa ng kaso laban sa security guard.

Samantala, ipinatawag ng Philippine National Police’s Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-Sosia) ang security guard at kanyang security agency kaugnay sa nasabing insidente.

Ayon sa Civil Security Group (CSG), unit ng Sosia sa PNP, batay sa initial assessment, ang ginawa ng guwardiya ay paglabag sa ethical standards.

Sinabi ni CSG spokesperson Lt. Col. Eudisan Gultiano, posibleng may maihahain na administrative complaint laban sa mga mall guard at sa agency nito kung hindi sila magpapakita sa kanilang tanggapan.

Ayon sa kanya, posibleng masuspindi o magmulta ang guard, habang ang security agency ay mapapatawan ng penalty, depende sa bigat ng kanilang pagkakamali o kakulangan ng aksion sa paghawak sa nasabing sitwasyon.