Masayang ipinagdiwang ng mga residente ng Sanchez Mira, Cagayan ang ika-131 anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang bayan sa isang natatanging salu-salo sa kalsada na tinawag na “Kamayan sa Daan.”
Tampok sa pagdiriwang ang mahabang hapag na puno ng masasarap na pagkaing Pinoy gaya ng lechon, igado, pancit, gulay, at ang ipinagmamalaking longganisa ng Sanchez Mira.
Isa itong bersyon ng tradisyunal na boodle fight, kung saan sabay-sabay na kumakain ang mga tao gamit ang kamay bilang simbolo ng pagkakaisa.
Ang selebrasyon ay ikalawang pagkakataon nang isinagawa sa bayan at naging posible sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga barangay.
Bukas ito sa lahat, kabilang ang mga turista, upang makiisa sa kasiyahan at kultura ng bayan.
Layunin ng “Kamayan sa Daan” na patatagin ang samahan ng mga taga-Sanchez Mira at ipagdiwang ang makulay na kasaysayan at tradisyon ng kanilang komunidad.