
Ibinasura ng Sandiganbayan Second Division ang mosyon ni Senador Jinggoy Estrada na ipawalang-bisa ang graft case na isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y P573 milyong kickback mula sa mga flood control project ng gobyerno.
Ayon sa korte, walang sapat na batayan ang alegasyon ni Estrada na nilabag ang kanyang karapatan sa due process dahil nabigyan naman siya ng pagkakataong sagutin ang mga paratang sa pamamagitan ng pagsusumite ng counter affidavit sa Department of Justice.
Matapos ibasura ang mosyon, itinuloy ng Sandiganbayan ang arraignment ng senador. Gayunman, tumanggi si Estrada na magpasok ng plea kaya ang korte na mismo ang nagtala ng not guilty plea para sa kanya.
Samantala, binawi rin ni Estrada ang kanyang petisyon para sa piyansa sa hiwalay na kasong plunder matapos siyang paalalahanan ng Sandiganbayan na maaaring maapektuhan nito ang kanyang mosyon na ipabasura rin ang naturang kaso.
Kasalukuyang nakakulong si Estrada sa New Quezon City Jail habang dinidinig ang kanyang mga kasong plunder at graft na may kaugnayan sa umano’y anomalya sa flood control projects.




