Inurong ng Sandiganbayan Second Division ang arraignment nina Senador Jinggoy Estrada at dating Public Works Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng kasong graft na may kinalaman sa umano’y flood control anomaly, at itinakda ito sa Hunyo 4.

Ayon kay Presiding Justice Geraldine Econg, ang pagpapaliban ay ginawa habang hinihintay ang resolusyon sa mga mosyon na inihain ng dalawang akusado.

Naghain si Estrada ng urgent motion upang ipagpaliban ang arraignment, at iginiit ang pangangailangang asikasuhin ang kanyang tungkulin bilang mambabatas, bukod pa sa pagkuwestiyon sa legalidad ng mga kaso laban sa kanya.

Samantala, inaasahang magsusumite rin ng motion to quash si Bonoan at may nakabinbin ding kahilingan para sa hospital arrest sa Sandiganbayan Fifth Division.

Kabilang sina Estrada, Bonoan, at tatlong opisyal ng Department of Public Works and Highways NCR sa hiwalay na kasong plunder at graft kaugnay ng parehong isyu sa flood control projects.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa korte, kailangan din ng panahon ng prosekusyon upang makapagpaliwanag sa mga mosyon ng mga akusado.

Sa pagdinig, napansin ni Econg ang magulong pahayag ng kampo ni Estrada matapos maghain ng magkakasalungat na mosyon, na kanyang binanggit sa pagsabing “magulo kayo.”

Kalaunan, binawi ni Estrada ang kanyang naunang kahilingan na ituloy ang arraignment sa araw na iyon.