Nagulat ang Sandiganbayan sa dami ng iniindang karamdaman ni dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan na nahaharap sa kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.

Sa pagdinig, binasa ni Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Econg ang listahan ng mga sakit ni Bonoan batay sa impormasyong isinumite ng pulisya. Kabilang dito ang diabetes, hypertension, acute coronary syndrome, chronic kidney disease, prostate cancer, at pananakit ng gulugod.

Dahil dito, inatasan ng korte ang Philippine National Police na magsumite ng pinakabagong medical report hinggil sa kalagayan ni Bonoan na kasalukuyang naka-confine sa The Medical City sa Pasig City.

Nahaharap si Bonoan sa kasong graft na may kaugnayan sa umano’y pagbibigay ng kickback mula sa mga flood control project para kay Senador Jinggoy Estrada.