Nagsasagawa ng back tracking at imbestigasyon ang mga awtoridad sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan kaugnay sa inabandona na bagong panganak na sanggol na babae sa palikuran ng isang gasolinahan sa Barangay Bulala.

Sinabi ni PCapt Mary Ann Unida, deputy chief of Police ng Camalaniugan Police Station, agad na rumesponde ang kanilang mga pulis nang matanggap ang tawag mula sa empleyado ng gasolinahan na may sanggol sa loob ng kanilang palikuran na walang saplot.

Ayon kay Unida, agad na dinala ang sanggol na hindi pa natatanggal ang kaniyang inunan sa Matilde Olivas District Hospital, kasama ang mga staff ng Rural Health Unit.

Sinabi ni Unida na maayos na ang kalagayan ng sanggol, ayon kay Dr. Charito Cipriano, Chief of Hospital ng nasabing ospital.

Ayon kay Unida, makikita sa CCTV footage na habang papunta sa palikuran ang babae ay namimilipit siya sa sakit ng kanyang tiyak.

-- ADVERTISEMENT --

Makalipas ang ilang sandali ay lumabas na ito at sumakay ng kolong-kolong, kasama ang dalawang iba pa.

Sinabi niya na inaalam na nila ang pagkakakinlanlan ng ina ng sanggol

Sinabihan na rin nila sa Municipal Health Office na makipag-ugnayan sa mga ospital sa kalapit na bayan upang alamin kung may nagpunta na bagong nanganak.

Ayon pa kay Unida, nakipag-ugnayan na rin sila sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa gagawin sa bata.