TUGUEGARAO CITY Pinangalanang Vicky ang bagong panganak na sanggol sa Tuguegarao City kasabay nang pananalasa ng bagyong Vicky sa bansa.
Ayon kay Eddie Arugay, Brgy. Chairman ng Annafunan East, kinumbinsi nilang mga barangay officials ang nanay ng sanggol na si Cristina Bulaqui na ipangalan ang anak sa bagyong Vicky na sinang-ayunan naman nilang mag-asawa.
Aniya, alas 10 ng umaga nitong Disyembre 20,2020 nang manganak sa barangay hall ng Annafunan East si Bulaqui matapos silang lumikas dahil sa pagbaha na nararanasan.
Nang maramdaman ng nanay na manganganak na siya ay agad nilang tinawag ang registered midwife sa kanilang barangay na siyang nagpaanak kay Bulaqui.
Matagumpay namang niyang ipinanganak ang malusog na babaeng sanggol.
Sa ngayon, nasa maayos nang kalagayan ang mag-ina habang kasalukuyan pa ring binabantayan sa barangay hall ng nasabing barangay.