
Isang sanggol na babae ang natagpuan sa loob ng isang shopping bag sa Barangay Cabugao Sur, Santa Barbara, Iloilo, noong gabi ng Enero 20, 2026.
Ayon sa mga residente, pinaniniwalaang bagong panganak ang sanggol dahil buo pa ang kanyang pusod nang matagpuan.
Ang sanggol ay inilagay sa loob ng shopping bag at isinabit sa isang kawayan na nakausli sa pader ng isang garahe sa gilid ng kalsada.
Nilinis at binalutan ng lampin ang sanggol ng mga residente ng lugar bago ito agad na dinala sa barangay health center.
Kalaunan, inilipat ang sanggol sa Western Visayas Sanitarium and General Hospital upang mas maigi ang pagmonitor sa kanyang kalagayan.
Batay sa imbestigasyon ng Santa Barbara Police, malaki ang posibilidad na ang nag-iwan ng sanggol ay hindi residente ng lugar, dahil wala umanong naitalang buntis na inaasahang manganganak sa barangay bago ang insidente.
Aminado ang pulisya na mahihirapan silang matukoy ang responsable sa insidente dahil madilim ang lugar at wala itong CCTV camera.
Samantala, pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na may mabigat na parusa ang pag-abandona at pagpapabaya sa mga bata alinsunod sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.










