Sugatan ang anim na katao, kabilang ang dalawang bata matapos na bumigay ang bahagi ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Barangay Casibarag Norte, Cabagan, Isabela kagabi.

Apat na sasakyan kabilang ang truck, dalawang Sports Utility Vehicles, at isang motorsiklo, na tumatawid sa tulay ang nahulog sa ilog sa ibaba nito.

Hindi agad nakita ang driver ng truck na may karga na mga bato kasama ang kanyang pahinante, subalit nahanap din ang mga ito.

Ang isang batang biktima ay malubhang nasugatan sa insidente na agad dinala sa Cagayan Valley Medical Center, habang ang sakay ng motorsiklo ay isang menor de edad.

Naglagay na ng babala ang mga pulis at emergency responders sa nasabing lugar, at nagtalaga ng alternatibong ruta upang maiwasan ang masikip na daloy ng trapiko.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa impormasyon, nagsimula ang paggawa sa nasabing tulay na nagkakahalaga ng P639 million noong 2017.

Ang nasabing tulay na alternatibo sa Cabagan-Santa Maria Overflow Bridge na hindi madadaanan kung aapaw ang tubig mula sa ilog Cagayan, ay ilang buwan pa lamang na ginamit at hindi pa nagkaroon ng inagurasyon.

Unang itinakda ang pagbubukas ng tulay noong 2019 subalit naantala ito ng ilang taon dahil sa umano’y depekto sa disenyo nito.

Magsasagawa naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH)-Region 2 ng assessment sa nasabing tulay na nagdudgtong sa bayan ng Santa Maria at Cabagan.

Nangako rin ang DPWH na magpapatupad ng agarang hakbang upang matiyak ang seguridad ng publiko lalo na ang mga motorista.

Pinag-iingat na rin ang mga motorista sa pagdaan sa nasabing lugar.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa sanhi ng pagbagsak ng nasabing tulay.