Tuguegarao City- Umapela ng tulong sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang grupo ng Samahang Pangkarapatan ng Katutubong Magsasaka at Manggagawa Inc. (SAPAKKMMI)kaugnay sa patuloy na operasyon ng Oceana Gold sa Didipio, Nueva Vizcaya.

Ito ay matapos umanong mag-expire ang kanilang Technical Assistance Agreement (TAA) sa kanilang operasyon sa minahan.

Sa panayam kay Miranda Dummang, Chairperson ng SAPAKKMMI, nakatakda silang magsagawa ng pagtitipon ngayong araw upang magpahayag ng pagtutol sa patuloy na operasyon ng nasabing minahan.

Aniya, dahil sa patuloy na pagmimina ay naaapektohan na ang kanilang kabuhayan sa sektor ng agrikultura at isa sa matinding epekto ng masyadong paghuhukay ay ang kawalan ng tubig kanilang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Dummang na nababahala din sila sa patuloy na pagpapapasok ng naturang kumpanya ng mga manggagawa na mula sa iba’t-ibang mga lugar gayong may banta ng COVID-19.

Hinala aniya nila ay patuloy pa rin ang operasyon ng minahan kahit na nagpaso na ang kanilang dokumento sa pagmimina dahil sa patuloy na pagpapapasok ng mga kagamitan sa pagmimina sa kanilang compound.

Sa ngayon ay humihingi ang nasabing grupo ng tulong sa pamahalaan upang pigilan na ang operasyon ng nasabing minahan dahil sa hindi magandang epekto ng nasabing aktibidad lalo na sa kapaligiran at sa mga residente na malapit sa lugar.