
Walang naging partisipasyon si Vice President Sara Duterte sa mga transaksiyon at operasyon ng Metro City Chow Foods Corporation mula 2022 hanggang 2025, ayon sa isang testigo sa ika-42 araw ng impeachment trial nitong Miyerkules.
Sa pagdinig, sinabi ni Atty. Suzette Balucanag-Punay, in-house counsel ng GenCorp Industries at Metro City Chow, na bagama’t nakalista si Duterte bilang incorporator, director at miyembro ng compensation committee ng kompanya, hindi ito dumadalo sa mga pulong ng board at hindi rin nakikilahok sa mga desisyon at pamamahala ng negosyo.
Kinumpirma rin ng testigo, batay sa General Information Sheets mula 2022 hanggang 2025, na may 20 porsiyentong shareholding si Duterte sa kompanya, katumbas ng ₱50,000 subscribed capital at ₱12,500 paid-up capital.
Sinabi rin ni Punay na sa kanyang pagkakaalam, walang natatanggap na compensation o honorarium ang Bise Presidente bilang miyembro ng compensation committee.
Inihaharap ng kampo ni Duterte ang mga testigo at ebidensiya kaugnay ng Article II ng impeachment complaint, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth, hindi tapat na pagsisiwalat ng mga ari-arian sa SALN at umano’y kabiguang mag-divest sa mga negosyong pag-aari nito.




