Ayon kay dating Kalihim ng Badyet at miyembro ng Liberal Party na si Florencio “Butch” Abad, hindi dapat isantabi ang posibilidad na magkakaroon ng mga babaeng kandidato na maglalaban sa 2028 Presidential at Local Elections.

Ito ay kasunod ng pag-anunsyo ni Bise Presidente Sara Duterte na tatakbo siya bilang pangulo sa nalalapit na halalan.

Ani Abad, posible rin na magdesisyon sina VP Sara Duterte at Senador Imee Marcos na magtandem sa halalan.

Sinabi rin niya na maaaring muling tumakbo bilang pangulo si dating Bise Presidente at kasalukuyang Alkalde ng Lungsod ng Naga na si Leni Robredo, at posibleng piliin si Senador Risa Hontiveros bilang kanyang ka-tandem.

Ayon kay Abad, nananatili pa ring bukas ang desisyon ni Robredo sa pagkuha ng national position, ngunit marami pa ang maaaring mangyari sa loob ng susunod na dalawang taon.

-- ADVERTISEMENT --

Kung hindi man magkatotoo ang tandem, posibleng maging standard-bearer ng oposisyon si Hontiveros, lalo na’t naipakita na niya ang kanyang kakayahan sa mataas na kapulungan ng Senado. Binigyang-diin din ni Abad na may kakayahan ang senador na mamuno, maging bilang pangulo o bise presidente.

Una nang sinabi ni Senador Imee Marcos, na handa siyang maging “forever running mate” ni VP Sara kasunod ng deklarasyon nito noong Pebrero 18.