Kumpirmado ng Commission on Elections (Comelec) na si Sarah Elago ng Gabriela Party-list ang uupo bilang kinatawan ng ika-64 na party-list seat sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon sa ulat, inaasahang opisyal na ipoproklama si Elago sa darating na Huwebes, matapos maglabas ng pinal na resolusyon ang Comelec sa Miyerkules.
Walang naging pagtutol mula sa Kamara ng mga Kinatawan matapos ipabatid ng Comelec ang resulta ng recomputation ng seat allocation.
Si House Speaker Martin Romualdez ang siyang mamumuno sa panunumpa ni Elago.
Nagkaroon ng recomputation ng party-list seats matapos magsumite ng mosyon ang Philreca Party-list, na nagsasaad na dapat ay 64 ang tamang bilang ng mga upuang nakalaan sa mga party-list.
Kinilala ng Comelec ang mosyon, dahilan upang idagdag ang naturang panibagong puwesto.
Dahil dito, magiging kabuuang 64 na ang party-list representatives sa Ika-20 Kongreso ng Pilipinas.