
Inihayag ni Ginang Inez Cariga, may-ari ng bahay na pinagmulan ng sunog kagabi sa Caritan Sur, Tuguegarao City na malaki ang iniwang pinsala ng sakuna, dahil halos wala silang naisalba na mga kagamitan.
Sinabi niya na bukod sa natupok na bahay, nasunog din ang kanilang sasakyan, dalawang bagong motorsiklo, at kolong-kolong; makina ng kuliglig at marami pang kagamitan at cash na P80,000.
Dahil dito, umaapela siya ng tulong sa pamahalaang panlalawigan at maging sa mga taong may puso dahil wala silang pagkukuhanan.
Kasabay nito, sinabi niya na matagal bago dumating ang mga bombero at nagkaproblema pa sila sa tubig.
Idinagdag pa niya na umalis ang bombero na may naiwan pang apoy.
Dahil dito, itinawag niya ito sa kanilang kapitan, na tumawag naman sa mga bombero para bumalik sa lugar.
Ganito rin ang sinabi ni Ginang Mirasol Calimag, isa rin sa nasunog ang bahay.
Ayon sa kanya, nang dumating ang unang firetruck, sinabi umano ng mga bombero na walang tubig, at nang dumating naman ang isa pang fire truck at magsasagawa na sana ng pagbomba ng tubig sa apoy, natanggal naman ang fire hose, na nagdulot pa ng pagkaantala ng pag-apula sa apoy.
Umaapela din ng tulong si Calimag dahil sa tanging suot lamang nila na damit ng kanyang anak ang kanilang naisalba.
Bukod sa mga bahay nina Cariga at Calimag, dalawa pang bahay na abandonado ang naging abo dahil sa nasabing sunog.










