Natagpuan na ng mga awtoridad ang isa sa dalawang sakay ng isang multi-purpose vehicle (MPV) na iniulat na tinangay ng malakas na agos ng tubig, noong Lunes ng gabi sa Caloocan City.

Nakita kahapon ng hapon ang bangkay ang 60-anyos na lalaki sa bahagi ng ilog sa Barangay 176, Bagong Silang.

Nabatid na mataas at malakas na ang ragasa ng tubig-baha sa lansangan nang tangkain pa rin umanong tahakin ng driver ng MPV hanggang sa lumutang at tinangay na ng agos patungo sa kanal sa Dona Aurora.

Ilang mga residente ang nagtangka pang iligtas ang dalawang sakay ng MPV subalit nabigo na rin sila nang tuluyang tangayin ito ng malakas na agos.

Makaraan ang mahigit isang oras, nakuha ng rescue team ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang sasakyan sa ilalim na ng Durian Bridge, na may kalayuan na mula sa pinaghulugang kanal sa Doña Aurora.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na hindi sila titigil, kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan sa paghahanap sa kasama ng natagpuang biktima habang nakikipag-ugnayan na rin sila sa kaanak ng mga ito.

Samantala, hanggang sa mga oras na ito ay nananatili ang baha sa maraming lansangan sa Metro Manila bunsod ng malalakas na ulan dahil sa southwest monsoon o habagat.

Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), nakapagtala sila ng mahigit 500 na lugar na binaha.

Sinabi naman ng PAGASA, ang ibinagsak na ulan ng Habagat noong Lunes sa Cavity City ay katumbas ng halos isang buwan na ulan, habang mahigit dalawang linggo naman na ulan sa Quezon City.