Napatunayang guilty ng korte sa Tagum City, Davao del Norte sa child abuse sina dating Bayan Muna Partylist Rep. Satur Ocampo at incumbent ACT Teachers Party-list Rep. France Castro.
Ang hatol sa dalawa ay mula sa akusasyon na kinuha nila ang mga menor de edad sa solidarity mission sa Talaingod, Davao del Norte noong November 2018.
Sa 25 pahinang desisyon na may petsang July 3, hinatulan ng Tagum Regional Trial Court Branch 2 sina Ocampo, Castro at 11 iba pa sa paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Hinatulan ng korte ang 13 respondents ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong at inatasan sila na magbayad ng kabuuang P20,000, P10,000 para sa civil indemnity at P10,000 para sa moral damages para sa 14 na mga biktima.
Pinawalang-sala naman ng korte ang apat na iba pang respondents dahil sa hindi napatunayan ang kanilang pagkakasala sa nasabing kaso.
Samantala, sa joint statement, iginiit nila inosente sila sa akusasyon at iginiit na mali ang katol sa kanila ng korte.
Sinabi nila na ang maling hatol sa kanila ay patunay lamang sa patuloy na panggigipit sa mga taong tumutulong at nagsusulong sa karapatan ng mga batang Lumad at ang patuloy na pag-atake sa mga paaralan at komunidad ng mga Lumad.
Ipinunto rin ng dalawa na nabigo ang korte na imbestigahan ang mga testimonya kaugnay sa mga banta at harrassment laban sa mga paaralan ng Lumad at ang pilit na pagpapasara sa mga ito.
Noong November 2018, inaresto ng mga sundalo at mga pulis si Ocampo at 17 iba pang lider ng militant groups at volunteer “lumad” teachers dahil sa kasong human trafficking.
Ang mga ito ay magdadala sana ng food supplies sa isang liblib na lugar sa Talaingod at iligtas ang maraming lumad teachers at mga batang mag-aaral na umano’y hinaharass ng mga miyembro ng armadong paramilitary group na tinawag na Alamara.
Sakay ang 70 katao, kabilang ang 29 na mga batang mag-aaral kasama ang grupo ni Ocampo sa limang sasakyan nang pinatigil at inaresto sila ng mga pulis mula sa Talaingod at mga sundalo mula sa 56th IB sa isang chekcpoint sa Barangay Santo NiƱo.