Welcome para kay dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Atty. Egon Cayosa ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang unconstitutional ang pagpapaliban sa Barangay at Sanguniang Kabataan Elections sa bansa.

Ayon kay Atty. Cayosa, magandang naglabas ng desisyon ang Korte Suprema kaugnay sa ganitong kalakaran dahil matagal na ang ganitong uri ng mga petisyon tuwing sumasapit ang election kung saan marami rin ang kumukuwestyon sa laging pagpapaliban nito.

Bagamat nasa kapangyarihan aniya ang Kongreso na amyendahan ang Local Government Code o anumang batas na nauugnay sa eleksyon, hindi rin naman makatwiran na i-postpone ang halalan lalo na kung wala namang sapat na batayan.

Wala aniyang nakita na supisyenteng dahilan ang Korte Suprema sa huling batas na ipinasa ng Kongreso noong nakaraang taon upang suspindihin sana ang halalan bagkus ito ay malinaw na grave abuse of discretion.

Aniya, ang election ay kahayagan pagkakaroon ng public accountability kayat dapat lang na hindi na palawigin ang termino ng ilan sa mga opisyal na wala namang ginawa kundi umabuso sa posisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Karapatan aniya ng mga mamamayan na makapamili ng mga leader na maninilbihan ng tapat kayat kung oras ng halalan ay dapat hindi na ito ipinagpapaliban dahil lang sa hindi katanggap tanggap na dahilan.

Umaasa si Atty. Cayosa na sa pamamagitan ng inilabas na desisyon ng korte suprema ay matututo rito ang kongreso at ito ang kanilang maging pagbabatayan sa susunod na mga eleksyon upang maisulong ang tunay na kahulugan ng demokrasya sa pamamagitan ng tamang konsteksto ng election.