Pinagtibay ng Korte Suprema ang pagtanggi sa petisyon para sa temporary restraining order o TRO na humihiling na mapreserba ang lahat ng bersyon ng draft report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa mga kontrobersyal na flood control projects.

Sa resolusyon ng SC en banc noong Abril 29, 2026, ibinasura ang petisyon nina abogado Eldrige Marvin Aceron, Sikini Labastilla, at Purificacion Bartolome-Bernabe na humihiling na pigilan ang Senado at Blue Ribbon Committee sa umano’y pagwasak, pagtatago, o pagbabago ng draft report.

Inatasan din ng mataas na hukuman sina Senador Panfilo Lacson, Senador Juan Miguel Zubiri, Senador JV Ejercito, Senador Sherwin Gatchalian, at ang Senate President na magsumite ng kanilang komento sa loob ng 15 araw.

Kasunod ito ng pagbabago ng liderato sa Senado kung saan nahalal si Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President. Dahil dito, bakante sa ngayon ang lahat ng committee chairmanships at memberships sa Senado.

Bago ang pagbabago sa liderato, pinangunahan ni Senador Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon Committee ang mga pagdinig sa umano’y anomalya sa flood control projects.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Lacson, nakatakdang irekomenda sa ulat ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa ilang senador at dating mambabatas na sangkot umano sa kwestyonableng proyekto.

Kabilang sa mga pinangalanan sina Senador Francis Escudero, Senador Joel Villanueva, Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Bong Revilla, dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, at dating Caloocan Representative Mitch Cajayon-Uy.

Mariin namang itinanggi ng mga nabanggit ang mga alegasyon.