
Maaaring magsagawa ng imbestigasyon ang Supreme Court laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng kanyang mga pahayag na hindi siya nagtitiwala sa mga korte at pulisya, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na maaaring magsagawa ang Korte Suprema ng motu proprio o sariling inisyatiba na imbestigasyon upang alamin kung ang mga pahayag ni Duterte ay maituturing na hindi naaangkop para sa isang abogado at maaaring maging basehan ng disciplinary action o disbarment.
Ang pahayag ni Castro ay kasunod ng sinabi ni Duterte nang ipaliwanag nito kung bakit siya nag-atubiling pumasok sa Quezon City Regional Trial Court Branch 98 matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya.
Iginiit ng Bise Presidente na hindi siya ligtas at wala siyang tiwala sa korte, pulisya at maging sa mga security personnel na nakatalaga para protektahan siya.
Ayon kay Castro, dati nang nagsagawa ang Supreme Court ng motu proprio investigations laban sa mga abogado dahil sa mga hindi naaangkop na kilos o pag-uugali.
Samantala, sinabi ng Malacañang na hindi nito hinihikayat ang publiko na mawalan ng tiwala sa justice system ng bansa.







