Pinawalang bisa ng Korte Suprema ang kasal ng isang babae na itinago ng kanyang asawa ang kanyang homosexuality, kung saan tinukoy sa desisyon na isang basehan ng annulment ang pagtatagoo paglilihim ng homosexuality.
Sa walong pahinang desisyon ng second divison ng SC, nakasaad na ang kasal ay isang special contract ng permanenteng pagsasama sa pagitan ng lalaki at babae sa ilalim ng batas para sa pagtatag ng conjugal at buhay pamilya.
Dahil dito, maaaring ipawalang bisa ang kasal kung ang consent ay may halong panloloko.
Ayon sa korte, nagsama ang mag-asawa habang nasa Saudi Arabia ang lalaki, isang taon matapos silang magkakilala sa social media.
Nagbakasyon ang lalaki noong 2012 at nagkita sila ng personal.
Subalit sa kanilang unang date, nahalata ng babae na hindi hinawakan ng lalaki ang kanyang kamay o hindi man lang siya hinalikan.
Iniwasan din siyang tabihan kapag sila ay kumakain o habang sila ay sumasakay sa sasakyan.
Ipinaliwanag ng lalaki sa babae na mahiyain at wala siyang tiwala sa kanyang sarili, na dahilan ng kanyang kilos.
Sinabi ng korte na nagkaroon ng long-distance relationship ang dalawa habang nagtatrabaho ang lalaki sa Saudi Arabia.
Subalit, nang ikasal na sila, sinabi ng SC na iniwasan pa rin ng lalaki ang pagpapalagayan ng loob at madalas niyang inaaway ang asawa para maiwasan na maging magkalapit sila.
Bumalik ang lalaki sa abroad dalawang buwan pagkatapos ng kanilang kasal at itinigil niya ang komunikasyon sa kanyang asawa.
Noong June 2015, nadiskubre ng babae ang magazines sa ilang gamit ng kanyang asawa na may larawan ng mga bahagyang hubad at hubad na mga lalaking modelo.
Inamin naman ng lalaki na siya ay homosexual o bakla nang komprontahin siya ng kanyang asawa, na nagresulta para iwan niya ito at tumira sa kanyang mga magulang.
Ayon sa SC, naghain ang babae ng annulment, kung saan sinabi niya na ang kanyang pagpayag sa kasal ay base sa panloloko at hindi niya pinakasalan ang lalaki kung alam niya na siya ay bakla.
Tinanggihan ng regional trial court at Court of Appeals ang petisyon ng babae.
Sa panig naman ng SC, sinabi nito na napatunayan ng babae batay sa mga inilatag niyang mga ebidensiya na itinago ng lalaki ang kanyang pagiging homosexual.
Tinukoy ng korte ang Article 45 ng Family Code, kung saan nakasaad na ang kasal ay maaaring ipawalang bisa kung ang consent o ang pagpayag ng isang partido ay nakuha sa pamamagitan ng panloloko, basta’t hindi na itinuloy ng mag-asawa ang kanilang pagsasama nang malaman ang katotohanan.
Idinagdag pa ng SC na nakasaad din sa Article 45 na ang paglilihim ng homosexuality sa asawa ay isang panloloko.
Ayon sa SC, hindi ilalagay ng babae kanyang sarili sa kahihiyan kung mapatunayan na hindi totoo na ang kanyang napangasawa ay hindi homosexual.
Bukod dito, walang lalaki na mananahimik lamang kung kukuwestionin ang kanyang sexuality na lilikha ng kahihiyan sa kanyang pangalan.
Ang desisyon ay pinonente ni Associate Justice Antonio Kho Jr.