Pumalo sa mahigit 150 ang kaso ng panloloko o scam ang idinulog sa anti-cyber crime unit ng pambansang pulisya dito sa lambak Cagayan sa unang semester ng taon.

Ito ang inihayag ni PLT Jovanie Daniel, chief ng operations and digital forensic section ng Regional Anti-Cybercrime Unit ng PNP Region 2.

Sinabi ni Daniel na kinabibilangan ito ng investment scam, online selling, online loan at task scam.

Dagdag ni Daniel na 49 sa kabuuang 151 ay naidulog na sa prosecutors office habang ang ilan ay kasalukuyan pa ang pangangalap ng matibay na ebidensiya bago isampa ang kaso.

Hinikayat naman ng opisyal ang mga biktima ng online scam na dumulog sa kanilang unit para maihain ang asunto at maibestigahan ang mga sangkot dito.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Daniel na patuloy naman ang isinasagawang pagsasanay sa mga imbestigador ng kapulisan para sa dagdag na kaalaman sa pagsisiyasat sa cyber crime cases na idinudulog sa kanilang opisina.

Muli naman niyang pinayuhan ang publiko na maging maingat sap pagpo-post sa mga personal details sa social media para hindi mabiktima ng identity theft.

Pinayuhan din ni Daniel ang social media users na huwag mag-post ng mga nakakasirang komento sa kapwa para hindi makasuhan ng libel.