TUGUEGARAO CITY- May bago nang sistema ang Animal Bite and Treatment Center ng Cagayan sa pagtatala ng data ng mga nagpapakuna sa tanggapan at maging ang pagbibigay impormasyon kung kailan ang kanilang susunod na bakuna.
Sinabi ni Shamon De Yro, head ng ABTC na tinawag nila itong Cagayan Provincial Animal Bite and Treatment Patient Information System with SMS Notification.
Ayon kay De Yro sa pamamagitan ng bagong sistema ay maipapadala na nila sa pamamagitan ng text ang schedule ng mga magpapabakuna sa tanggapan kapalit ng ibinibigay na papel sa mga pasyente na nakasulat dito ang kanilang schedule ng bakuna.
Sinabi ni De Yro na isang araw bago ang schedule ng magpapabakuna ay matatanggap na nila ang impormasyon kung kailan sila dapat pumunta sa kanilang tanggapan.
Idinagdag pa niya na balak din nilang ipagamit ang nasabing sistema sa iba pang bite center sa buong lalawigan.
Ang nasabing sistema ay ginawa ng tatlong estudyante ng Cagayan State University na sina Geraldine Ramos, system and data analysis, Fatima Umayam, programmer at Eva Jane Aguyao, designer.
Sinabi ni Professor Ray Kim Baylon, ang ginawa ng kanyang mga estudyante ay requirement sa kursong capstone.
Nabatid na napiling Best Capstone Project 2019 sa University Wide Infolympics at Best Capstone Department level.