TUGUEGARAO CITY-Tiniyak ng Schools Division Office(SDO)-Cagayan ang kanilang kahandaan para sa pagsisimula ng enrollment ng mga mag-aaral para sa School Year 2021-2022 sa gitna ng nararanasang krisis sa kalusugan na dulot ng covid-19.

Ayon kay Chelo Pangan ng SDO-Cagayan, kabilang sa isinusulong ng kanilang tanggapan ay ang mga pamamaraan ng enrollment na hindi makokompromiso ang kalusugan ng mga mag-aaral maging ang mga guro.

Dahil dito, sinabi ni Pangan na ipatutupad pa rin nila ang online registration maging ang paggamit ng text o tawag, paglalagay ng drop boxes sa bawat barangay para makuha ang mga impormasyon ng isang mag-aaral na kinakailangan sa enrollment.

Aniya, sa darating na Agosto 16,2021 ang maaaring simula ng enrollment pero kanyang nilinaw na hindi pa ito ang pinal dahil sa pangamba na dulot ng delta variant ng covid-19 kung saan nakadepende pa rin sa ibababang kautusan ng central office.

Gayunman, nakapagsagawa na ang kanilang tanggapan ng early registration nitong nakalipas na buwan kung saan batay sa kanilang huling datos ay mahigit 250,000 na ang nakapagpalista.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak din nito ang kahandaan ng nasa 12,000 mga guro sa probinsya bukod pa sa mga volunteers na tinutulungan ng LGU.

Matatandaan, una nang inihayag ng Department of Education (DEPED) na magsisimula ang pasukan para sa SY 2021-2022 sa Setyembre 13, 2021.