
Unti-unti nang inaayos ang sektor ng transportasyon sa isla ng Calayan.
Sa panayam kay Calayan Mayor Joseph Llopis, ibinida nito na malapit nang makumpleto ang mahigit sa P1 milyon na seaport project sa naturang bayan na pinondohan sa ilalim ng Build Build Build program ng Duterte administration.
Bukod sa pantalan na matatagpuan sa Brgy Magsidel, magkakaroon na din ang isla ng roll-on/roll-off o RoRo passenger ship na pinondohan ng hanggang P70 milyon bilang dagdag sa apat na malalaking bangka na gamit ng munisipyo sa pagbiyahe sa pagpunta sa mainland Cagayan at vice versa.
At bilang alternatibong transportasyon, sinabi ng alkalde na nagsumite na sila ng aplikasyon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng ‘permit to operate’ sa pagbubukas ng paliparan ng isla sa Brgy Dadao.




