Pahirapan pa rin para sa mga otoridad ang pagsasagawa ng search and rescue operation sa nawawalang piper aircraft sa lalawigan ng Isabela dahil sa masungit na lagay ng panahon.
Ayon may Atty. Constante Foronda, head ng Isabela PDRRMO, may mga eroplanong nagsagawa ng aereal search sa target area ngunit bumalik din sa Cauayan City airport dahil sa maulap na panahon na sinasabayan pa ng mga pag-ulan.
Gayonman ay nagpapatuloy aniya ang ground search ng dalawang binuong composite team ngunit nahihirapan din ang mga rescuers dahil sa sitwasyon sa kabundukan.
Ang isang grupo ay binubuo ng tatlumput dalawang rescuers habang ang isang grupo naman ay may apatnaput-apat at sila ay maghahanap sa target area sa siera madre mointain na sakop ng boundary ng San Mariano at Palanan.
Sinabi ni Fronda na ang naturang grupo ay naglagay rin ng base camp sa lugar kung saan maaari silang maka-access sa maayos na linya ng komunikasyon at malapit sa target area ng ground search.
Ayon pa kay Fronda, nagiging maingat din ang mga rescuers sa kanilang ginagawang paghahanap dahil sa madulas at matarik na dinadaanan at sa katunayan aniya ay may isang injured na rescuer na pinabalik muna sa Palanan.
Sa ngayon, masusi aniyang pinag aaralan ng mga otoridad ang mga larawan, mapa at iba pang datos na maaaring makapagtuturo sa binagsakan ng eroplano dahil may mga nakita silang bagay na kinukumpirma pa kung ito nga ay bahagi ng nawawalang eroplano.
Ipagpapatuloy pa ngayong araw ang search and rescue at may mga dalang gamot, pagkain, tubig at iba pang mahahalagang gamit ang mga otoridad na ibibigay sa piloto at pasahero nito sakali man na sila ay mahanap na.
Samantala, sinabi ni Fronda na may mga augmentation team ng mga rescuers at canine units mula sa ibat-ibang lugar naman ang nakahandang tumulong sakali na kakailanganin.