
Patuloy ang search and rescue operations matapos gumuho ang isang bahagi ng landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City nitong Huwebes ng hapon, ayon kay Cebu City Mayor Nestor Archival.
Sa isang pahayag na ibinahagi sa kanyang Facebook account, sinabi ng alkalde na may mga taong pinaniniwalaang na-trap sa landslide kaya agad na rumesponde ang mga search and rescue team.
Naka-deploy na rin sa lugar ang mga medical at emergency support teams upang magbigay ng agarang tulong sa mga biktima.
Ayon kay Archival, mahigpit niyang binabantayan ang sitwasyon at personal siyang pupunta sa Binaliw landfill upang masuri ang kalagayan at makipag-ugnayan sa mga ahensya para sa mga susunod na hakbang.
Nanawagan din ang alkalde sa publiko na manatiling kalmado at iwasan muna ang lugar upang hindi maantala ang operasyon ng mga rescuer.
Dagdag pa niya, ang mga opisyal at kumpirmadong update tungkol sa insidente ay ilalabas lamang sa pamamagitan ng mga opisyal na komunikasyon ng lokal na pamahalaan.










