
Naghain ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng criminal complaint laban sa Villar Land Holdings Corp., mga kaugnay na kompanya, at mga opisyal nito dahil sa umano’y market manipulation, insider trading, at misleading disclosures.
Ayon sa SEC, sinampahan ng reklamo noong Enero 30 ang Villar Land dahil sa umano’y paglabag sa Sections 24.1(d) at 26.3 ng Securities Regulation Code, na nagbabawal sa pagbibigay ng false o misleading statements at sa pagsasagawa ng securities transactions na nag-ooperate bilang fraud o deceit sa investors.
Pinangalanang respondents sina Villar Land Chairperson at dating Senador Manuel B. Villar Jr.; dating Senadora Cynthia A. Villar; directors Cynthia J. Javarez, Manuel Paolo A. Villar, Camille A. Villar, at Mark A. Villar; at independent directors Ana Marie V. Pagsibigan at Garth F. Castañeda.
Inireklamo rin ang mga kaugnay na kompanya, kabilang ang Infra Holdings Corp. at MGS Construction, pati ang kanilang mga opisyal at authorized signatories.
Ayon sa SEC, nag-ugat ang reklamo sa pagsusuri ng komisyon sa public disclosures at trading activities ng Villar Land. Sa isinapublikong financial statements noong 2024, iniulat nila ang sobrang taas na total assets na P1.33 trilyon at net income na P999.72 bilyon, bago pa umano matapos ang external audit.
Nang isumite ang audited financial statements, ibinaba ng Villar Land ang total assets sa P35.7 bilyon, malayo sa naunang inilabas.
Dagdag pa sa reklamo, nakibahagi umano ang mga kaugnay na kompanya, kabilang ang Infra Holdings Corp., sa paglikha ng artificial demand at sinuportahan ang share price ng Villar Land.
Inakusahan din ng SEC si Camille Villar ng insider trading matapos umano siyang bumili ng 73,600 shares noong Disyembre 2017, ilang sandali bago ang corporate disclosure na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng stock.
Binanggit din ng SEC ang pagbawi ng accreditation ng property valuator na E-Value Phils., Inc. at pagpataw ng P1 milyong multa dahil sa umano’y hindi maaasahang valuation reports na ginamit upang suportahan ang Villar Land.




