Kabuuang 144 pulis ang ipapakalat ng Tuguegarao City Police Station sa bisinidad ng Cagayan State University- Carig Campus upang protektahan ang mga examinees na kukuha ng Bar Exams simula Pebrero-4 at 6.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Capt Isabelita Gano, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) na bukod sa magsisilbing bantay ay tutulong din sa swab testing ang mga sinanay na PNP members, pagsasaayos sa daloy ng trapiko at pagpapatrolya upang tiyaking walang mangyayaring untoward incidents habang ginaganap ang bar examimations.

Aabot sa 355 examinees ang inaasahang kukuha ng makasaysayang 2020-2021 bar exams dahil ito ang magiging kauna-unahang digitized, localized at proctored bar examinations sa bansa na makailang ulit na ipinagpaliban dahil sa pandemya.

Ipatutupad naman ng pulisya ang liquor ban alinsunod sa inilabas na kautusan ni Mayor Jefferson Soriano.

Una na rin sinuspendi ng alkalde ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan at pasok sa tanggapan ng pamahalaan sa Lungsod sa Pebrero- 4 bilang bahagi ng paglimita sa galaw ng mga tao sa panahon ng pagsusulit.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa CSU, testing sites din sa rehiyon dos para sa Bar Exams ang Saint Mary’s University (SMU) sa Bayombong , Nueva Vizcaya.