Inihayag ni self-confessed drug lord Rolan “Kerwin” Espinosa na inatasan umano siya ni dating police chief at ngayon ay Senator Ronald “Bato” dela Rosa na idawit si dating Senator Leila de Lima at Peter Lim sa illegal drug trade.
Sinabi niya na ang kautusan ay pagkatapos ng pagpatay sa kanyang ama noong 2016.
Ginawa ni Espinosa ang pahayag sa kanyang pagharap sa pagdinig ng quad committee ng Kamara.
Ayon sa kanya, si dela Rosa ang sumundo sa kanya mula sa paliparan matapos na patayin ang kanyang ama na si dating Mayor Rolando Espinosa Jr. ng Albuera, Leyte noong November 5, 2016.
Nasa Malaysia ang nakababatang Espinosa nang pinatay ang kanyang ama.
Ayon sa kanya, kasama noon ni dela Rosa ang iba pang pulis na sumakay sa isang bullet-proof na sasakyan matapos na lumabas siya mula sa eroplano noong Nov. 17.
Habang sakay sila ng sasakyan, sinabihan siya ni dela Rosa na aminin ang kanyang pagkakasangkot sa drug trade at idawit na rin sina de Lima at Lim, upang sila ang madiin.
Ayon sa kanya, binalaan siya na kung hindi susunod sa plano, maaaring mangyari sa kanya ang sinapit ng kanyang ama o isang miyembro ng kanyang pamilya.
Noong April 2022 nang idawit niya si de Lima sa illegal drug trade na isa sa mga basehan ng mga kasong isinampa laban sa dating Senador.
Ayon kay Espinosa, ang mga pahayag niya laban kay de Lima ay pawang kasinungalingan at resulta lamang ito ng pressure, pagbabanta at pananakot sa kanya at sa kanyang pamilya mula sa mga pulis na nag-utos sa kanya na idamay ang Senador sa illegal drug trade.
Kasabay nito, humingi ng paumanhin si Espinosa kay de Lima.