Pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Senator Sonny Angara na bagong kalihim ng Department of Education.

Papalitan ni Angara si Vice President Sara Duterte na nagbitiw sa nasabing puwesto noong June 19 at magiging epektibo sa July 19.

Matatapos ang termino ni Angara sa Senado sa 2025.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), inindorso ng key education organizations ang appointment ni Angara bilang hepe ng DepEd, kabilang ang Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) at ang Philippine Association of Colleges and Universities (PACU).

Kabilang din si Angara sa mga inirekomenda ng Philippine Business for Education (PBEd) kay Marcos, kasama sina Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, Negros Occidental 3rd District Representative Kiko Benitez, at Synergeia Foundation president Milwida Guevara.

-- ADVERTISEMENT --

Pinasalamatan naman ni Angara si Marcos sa pagpili sa kanya na pamunuan ang kagawaran.

Sinabi ni Angara na ang mahalagang responsibilidad na ito ay buong pagpapakumbaba niya na tinatanggap at nangako na gagampanan niya ng maayos ang kanyang tungkulin.

Idinagdag pa niya na handa siya na makipagtulungan sa lahat ng sektor, kabilang si VP Sara, upang matiyak na ang bawat mag-aaral at magkaroon ng access sa quality education.

Kaugnay nito, napakaraming problema ang mamanahin ni Angara sa education sector kabilang ang mababang performance ng Filipino students sa global education assessments.

Batay sa pag-aaral ng World Bank, siyam sa 10 estudyante na edad 10 ang hindi marunong magbasa.

Si Angara na anak ni dating Senate president at educator Edgardo Angara ay nagsimula ang kanyang political career bilang kongresista ng Aurora mula 2004 hanggang 2013.

Noong panahon niya sa kamara, siya ay naging aktibo sa pagsusulong ng edukasyon at kapakanan ng mga kabataan.

Siya ang co-author ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 program sa kamara.

Siya ay nahalal na senador noong 2013.

Naging author siya ng mga panukalang batas may kaugnayan sa education sector at maraming iba pa.

Siya ay naging commissioner ng Second Congressional Commission on Education or EDCOM II na layunin na tugunan ang mga problema sa sector ng edukasyon.

Bilang EDCOM II commissioner, nangako si Angara na magsasagawa ng comprehensive review sa K to 12 program.