Itinuring ng Office of the Prosecutor of the International Criminal Court (ICC) bilang suspects si dating police chief at ngayon ay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at iba pang retirado at kasalukuyang police officers dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa pagkamatay ng libu-libong katao sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ibinahaging dokumento mula sa ICC ni dating Senator Antonio Trillanes IV, may nakitang reasonable grounds ang The Hague-based tribunal na ang lima at dating mga opisyal ng PNP ay nagkaroon umano ng kongkretong pagkakasangkot sa sistematikong pagpatay sa antidrug campaign ng Duterte administration.
Bukod kay Dela Rosa, kabilang sa mga pinangalanan ng ICC prosecutor’s office ay sina retired PNP chief Oscar Albayalde, dating Criminal Investigation and Detection Group chief Romeo Caramat Jr., dating National Police Commission chief Edilberto Leonardo, at former PNP chief intelligence officer Eleazar Mata.
Aktibo pa rin sa PNP sina Caramat at Mata, bilang acting police commander ng northern Luzon at drug enforcement group director, batay sa pagkakasunod.
Bukod kay Dela Rosa at Leonardo, may siyam na iba pa na isinama sa kaso laban kay Duterte na kinabibilangan nina dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, Police Supt. Royina Garma, dating House Seaker Pantaleon Alvarez, dating Interior Secretary Ismael Sueno, dating SPO4 Sanson Buenaventura, dating National Bureau of Investigation Director Dante Gerran, dating Solicitor General Jose Calida, dating Sen. Richard Gordon at Sen. Alan Peter Cayetano.
Sinabi ni Trillanes, si Dela Rosa at apat na iba ang itinuturing na “primary suspects,” kasama si Duterte, ang umano’y “prime suspect” sa reklamo na crimes against humanity dahil sa maraming napatay sa drug war.
Sa paglalahad ng pangalan ng mga suspects, tinukoy ng Office of the Prosecutor ng ICC na pinamumunuan ni Karim Khan ang Article 55 (2) ng Rome Statute, kung saan nakasaad na may karapatan sila na malaman ang mga kaso bago sila haharap sa interogasyon ng prosecutor.