
Hindi na sisipot si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa budget deliberation para sa mga ahensyang kanya sanang dedepensahan sa plenaryo.
Si Dela Rosa sana ang nakatakdang magsponsor sa 2026 budget ng Department of National Defense (DND) at ng ibang opisina tulad ng Marawi Compensation Board, Dangerous Drugs Board, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at National Security Council (NSC).
Ayon kay Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian, nagpaabot ng mensahe sa kanya si Sen. Bato sa pamamagitan ng kanyang staff na hindi niya madedepensahan ang mga nabanggit na ahensya kaya siya na muna ang hahalili rito.
Wala aniyang ibinigay na rason o dahilan si Dela Rosa sa kanya.
Kumpyansa naman si Gatchalian na kaya niyang depensahan ang pondo ng DND at iba pang attached offices.
Ayaw naman mag-speculate o pagisipan ni Gatchalian na dahil sa balitang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kaya hindi pa rin nagpapakita si Senator Bato hanggang ngayon.










