Paulit-ulit na sinabi ni Senator Ronaldo “Bato” dela Rosa na malinis ang kanyang konsensiya kaugnay sa pagkakasangkot umano niya sa extrajudicial killings sa panahon ng war on drugs ng Duterte administration.
Taliwas sa mga sinasabi ng ilang miyembro ng Kamara, iginiit ni dela Rosa na walang ebidensiya na direktang nag-uugnay sa kanya sa mga nasabing pagpatay.
Ayon sa kanya, ang tanging ipinatupad noong siya pa ang hepe ng Philippine National Police ay ang “Oplan Tokhang.”
Kasabay nito, sinabi ni dela Rosa na hindi umano siya nababahala sa pag-uugnay sa kanya sa EJK dahil wala umano siyang kinalaman sa mga nasabing krimen.
Ayon kay dela Rosa, noong siya pa ang PNP chief, hindi naman niya namonitor ng 24 oras ang lahat ng police officers kung ano ang kanilang ginagawa.
Sinabi niya na ang posibleng kasalanan niya ay command responsibility bilang PNP chief noon, subalit wala siyang direktang kaugnayan sa EJK.
Idinagdag pa niya na hindi nabanggit ang kanyang pangalan sa affidavit ni retired Police Col. Royina Garma na nagsabi sa imbestigasyon ng Kamara na ipinag-utos umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang war on drugs na kapareho sa “Davao model.”
Sa pagdinig ng quad committee, sinabi ni Garma na ipinatupad ang reward system sa mga pulis na nakakapatay sa mga drug personality.
Isiniwalat naman ni self-confessed drug lord Kerwin Espinosa sa nasabi ring pagdinig na inutusan umano siya ni dela Rosa na idawit si dating Senator Leila de Lima sa illegal drug trade.
Mariing pinabulaanan ni dela Rosa ang lahat ng mga nasabing alegasyon laban sa kanya.