
Itinanggi ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na mayroon siyang nilabag na batas kaugnay ng kumakalat na ulat tungkol sa umano’y arrest warrant na inilabas laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni Go na ipinauubaya niya sa Diyos ang usapin at umaasang hindi ito magagamit para sa pamumulitika. Iginiit din niyang malinis ang kanyang konsensya at wala siyang nilabag na batas ng tao o ng Diyos sa buong panahon ng kanyang paninilbihan.
Binigyang-diin ng senador na hindi kailanman naging bahagi ng kanyang mandato ang mga usaping may kaugnayan sa operasyon ng pulisya, kasabay ng panawagang huwag gawing politikal ang isyu.
Lumabas ang usapin matapos ihayag ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na mayroon umanong arrest warrant na inilabas ang ICC laban kay Go at dalawang dating opisyal ng pulisya.
Nauna ring sinabi ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na nakatanggap siya ng impormasyon tungkol sa umano’y nakaambang warrant laban kay Go bilang sinasabing kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kasong crimes against humanity, murder at attempted murder.
Gayunman, nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na wala itong natatanggap na opisyal na komunikasyon mula sa ICC hinggil sa naturang alegasyon.
Maging ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ay nagsabing wala silang natatanggap na impormasyon na magpapatunay sa sinasabing warrant.
Sa kabila ng kontrobersiya, tiniyak ni Go na magpapatuloy siya sa kanyang serbisyo publiko at hindi niya bibiguin ang tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng milyun-milyong Pilipino.










