Naghain si Senator Christopher “Bong” Go ng dalawang panukalang batas sa Senado na layuning mas palakasin at gawing mas epektibo ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Isinusulong ni Go ang mas malawak na suporta sa mga drug dependents sa pamamagitan ng rehabilitasyon at reintegrasyon, kasabay ng mas pinadaling proseso para sa mga nais magbago.
Unang inihain ni Go ang Senate Bill No. 665, o ang “Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers Act,” na naglalayong magtayo ng drug rehabilitation center sa bawat rehiyon ng bansa.
Ayon kay Go, mahalaga ang pagkakaroon ng mga pasilidad na ito upang matiyak ang holistic recovery ng mga drug dependents, kabilang na ang psychological, social, at spiritual na aspeto ng kanilang buhay.
Kasunod nito, isinumite rin ni Go ang Senate Bill No. 683 o ang “Simplified Drug Rehabilitation Admission Process Act,” na naglalayong gawing mas madali ang proseso ng pagpasok sa mga rehabilitation centers.
Sa halip na dumaan pa sa matagal na proseso ng korte, layunin ng panukala na payagan ang mga boluntaryong nais magpa-rehabilitate na magsumite ng aplikasyon direkta sa Dangerous Drugs Board (DDB).
Naniniwala si Go na ang mga drug dependents ay hindi lamang dapat ituring na kriminal kundi bilang mga biktima na nangangailangan ng tunay na tulong upang makapagsimulang muli at maging produktibong bahagi ng lipunan.