
Muling nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go na paigtingin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang information campaign nito, iginiit na marami pa ring Pilipino ang hindi alam ang kanilang mga benepisyo kahit awtomatikong miyembro sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) Law.
Sa pahayag niya sa plenaryo ng Senado noong Pebrero 3, iniuugnay ni Go ang kakulangan sa kaalaman ng publiko sa mga suliranin sa health financing, kabilang ang zero-budget allocation para sa PhilHealth sa 2025 at ang naunang paglilipat ng P60 bilyon na tinuring na “excess funds” sa National Treasury, na aniya’y nagpabagal sa pagpapatupad ng UHC.
Bilang dating chair ng Senate Committee on Health, binanggit ni Go na sa 14 na pagdinig noong 2024 ay naitulak ang pagbabayad ng health emergency allowances ng mga health worker at ang pagpapalawak ng PhilHealth benefit packages, kabilang ang mas mataas na case rates, dental at optometric services, at pagtanggal ng mga patakarang pabigat sa mahihirap na pasyente.
Gayunman, iginiit niyang limitado ang epekto ng mga reporma kung hindi ito alam ng publiko, binanggit na mas mababa sa 30 porsiyento pa lamang ng mga miyembro ang nakarehistro sa Konsulta o Yakap Program. Dahil dito, inihain niya ang Senate Bill No. 170 na naglalayong gawing mandatory ang pag-isyu ng PhilHealth ID upang masiguro na alam ng mga Pilipino ang kanilang coverage.
Nanawagan din si Go ng sapat na pondo at mas mahusay na paggamit ng pondo ng PhilHealth upang maisulong ang ganap na pagpapatupad ng universal health care.









