
Nakapagtala ng pinakamaraming absent ngayong first regular session ng 20th Congress si Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Batay sa official attendance record ng Senado, hindi pumasok si Dela Rosa sa 31 mula sa 58 session days na nagsimula noong July 28, 2025 hanggang sa mag-adjourned para sa legislative break nitong March 18.
Si Dela Rosa ay hindi na nagpakita dito sa Senado mula nang ianunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla noong unang linggo ng Nobyembre na mayroong warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador.
Samantala, sumunod naman sa may pinakamaraming araw ng pagliban sa trabaho si Senator Camille Villar na nakapagtala ng 16 absences dahil nanganak at naka-maternity leave.
Sumunod naman si Senator Alan Peter Cayetano na nagtala ng 14 na absent bukod pa ito sa 24 na beses na late sa plenary sessions.
Naka-perfect attendance naman sina Senate President Tito Sotto, Senate Majority Leader Migz Zubiri, Senators Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Bam Aquino, Jinggoy Estrada, Bong Go, Imee Marcos, Rodante Marcoleta, Robin Padilla at Joel Villanueva.
Tig-isang absent naman sina Senators Kiko Pangilinan, Chiz Escudero at Erwin Tulfo, habang tig-dalawang absents naman sina Senators Ping Lacson, Loren Legarda at Lito Lapid habang tatlong absents naman si Senator Pia Cayetano, lima kay Senator Mark Villar at tig-anim na absents sina Senators JV Ejercito aat Raffy Tulfo.










