Humingi ng paumanhin si Senator Erwin Tulfo sa mga kapwa senador na miyembro ng grupo ni Senator Alan Peter Cayetano matapos ang kanyang naging pahayag na ipaaaresto at kakaladkarin niya si Cayetano kung magsasagawa muli ng umano’y hindi awtorisadong pagdinig.

Sa isang pahayag, inamin ni Tulfo na hindi angkop para sa isang opisyal ng gobyerno, lalo na sa isang senador, ang kanyang naging matitinding pananalita. Aniya, nadala lamang siya ng hangaring maipagpatuloy ang trabaho ng Senado nang walang pagkaantala.

Kasabay ng paghingi ng paumanhin sa kanyang mga kapwa senador, humingi rin ng dispensa si Tulfo sa sambayanang Pilipino dahil sa mga pangyayari sa Senado na nauwi umano sa pagkaantala ng pagpasa ng mahahalagang panukalang batas.

Ayon kay Tulfo, dahil sa sunod-sunod na banggaan ng magkabilang panig, natapos ang mga sesyon nang walang naisasagawang makabuluhang legislative action. Dagdag niya, tila naparalisa ang mandato ng Senado dahil sa walang katapusang alitan sa pulitika.

Dahil dito, nanawagan ang senador sa kanyang mga kasamahan na wakasan na ang hidwaan at muling magtulungan para maipagpatuloy ang paggawa ng batas at pagsasagawa ng mga imbestigasyon para sa kapakanan ng publiko.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Tulfo na ang pagkakaisa ay hindi nangangahulugang pagsuko sa mga paninindigan, kundi pagsasama-sama upang maprotektahan ang interes ng bansa at ng mamamayang Pilipino.