Inakusahan ni dating Bulacan First District Assistant Engineer Brice Hernandez sina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva na tumanggap ng kickbacks sa flood control projects.

Sinabi ito ni Hernandez sa isinasagawang pagdinig ng Kamara sa mga maanomalyang flood control projects.

Inakusahan niya sina Estrada at Villanueva na tumanggap ng “commitments” katumbas ng 30 percent ng halaga ng proyekto para sa ilang floodgates at pumping station sa Bulacan.

Ayon kay Hernandez: “Si Senator Jinggoy po ay nagbaba ng P350 million ngayong 2025 sa ilang projects sa Bulacan… Ang kanyang SOP (share of project) dito ay 30 percent, as per our district engineer Henry Alcantara. Diniliver ito noong lumabas ang mga item na ito sa GAA (General Appropriations Act),” Hernandez said.

“Noong 2023 naman, naglabas ng P600 million si Senator Joel Villanueva at ang SOP nito ay 30 percent din. Binigay din ito nang lumabas sa GAA at idiniliver sa bahay niya sa Bocaue ni DE Alcantara at dating hepe ng aming contruction, si Engineer JP Mendoza.”

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na si District Engineer Henry Alcantara ang “chief implementer” na siya umano ang nakikipag-usap sa mga pulitiko sa umano’y anomalya.

Ayon sa kanya: “Pinapasabi pa nga sa amin sa mga contractor na kung gusto n’yong magkaroon ng maraming project sa sususnod, magbigay kayo ng additional 2 percent sa kanya, parang finder’s fee daw.”