Isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada ang pagpasa ng panukalang batas na humihiling na wakasan na ang mapanganib na gawi na Red-tagging, na matagal nang iniuugnay sa harrassment, paglabag sa karapatang pantao at maging pagpatay sa mga aktibista, mga mamamahayag, community leaders at mga ordinaryong mamamayan sa bansa.

Nakasaad sa Senate Bill No. 1071 na ituring ang Red-tagging na isang paglabag sa batas para protektahan ang mga mamamayan mula sa harrassment at pananakot.

Ang kahulugan ng Red-tagging sa panukalang batas na pagturing o inaakusahan ang isang indibidual o mga grupo na mga komunista, mga terorista o kalaban ng estado, na madalas na walang ebidensiya.

Kung mapatunayan ang mga akusado, mapapatawan sila ng 10 taon na pagkakakulong at lifetime ban sa paghawak ng anomang posisyon sa pamahalaan.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang Red-tagging ay maaaring magawa sa pamamagitan ng public statements, social media posts, tarpaulins, placards, declarations, public events at iba pang platforms na tatawagin ang isang indibidual o mga grupo na kalaban ng estado.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Estrada na walang puwang sa demokrasya ang mga katulad na mga hakbang.

Sa mga nakalipas na taon, may mga na-dokumentong mga kaso ng mga pagpatay dahil sa Red-tagging, tulad ng mga kaso nina Jose Reynaldo Porquia, Zara Alvarez, lawyer Benjamin Ramos at Councilor Bernardino Patigas na itinuring silang mga komunista bago sila brutal na pinatay.