TUGUEGARAO CITY-Hindi umano interesado si Senator Bong Go na tumakbo sa mas mataas na posisyon sa darating na halalan.

Ito ang deretsahang sinabi ni Sen. Go kasabay ng kanyang pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha nitong nakaraang taon sa lungsod ng Tuguegarao.

Sa naging panayam kay Sen. Go, kanyang nilinaw na wala siyang balak na tumakbo sa mas mataas na posisyon dahil kanya umanong tatapusin ang kanyang termino sa pagka-senador hanggang 2025.

Ipagpapatuloy rin aniya ang kanyang pagtulong sa publiko lalo na ang mga naaapektuhan ng iba’t-ibang kalamidad dahil ito umano ang kanyang bisyo.

Samantala, inihayag ng Senador na umutang na ang gobyerno sa world bank ng P24 bilyong para sa karagdagang pondo sa pagbili ng bakuna laban sa covid-19.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, kanyang hinikayat ang publiko na tulungan ang gobyerno sa pamamagitan ng pagsuporta sa vaccination program.

Aniya, walang dapat ikatakot ang publiko sa pagbabakuna dahil dumaan sa masusing pag-aaral ang lahat ng mga bakuna na itinuturok ngayon sa mga healthcare workers.