Iginiit ni Senator-Judge Risa Hontiveros na ilan sa mga kumpanyang nagpadala ng pera sa Cale88 Foods Corporation, na iniugnay kay Mans Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ay mga state-owned enterprise ng China.

Sa impeachment trial ni Duterte, sinabi ni Hontiveros na kabilang dito ang China National Township Enterprises, na ayon sa research ng kanyang tanggapan ay dating nasa ilalim ng Chinese Ministry of Agriculture at kalaunan ay naging state-owned agricultural enterprise.

Binanggit din niya ang Xinjiang Fruit Industry Group, na umano’y investor ng Beijing Zhenweifang Food Company at may strategic cooperation agreement dito mula 2019.

Tinanong ni Hontiveros si AMLC Executive Director Ronel Buenaventura kung sinuri ng AMLC ang naturang mga ugnayan, ngunit sinabi nitong wala siyang sapat na impormasyon para makapagbigay ng tiyak na sagot.

Noong Lunes, kinumpirma ni Buenaventura na nakatanggap ang Cale88 ng P319 milyon mula sa China at Hong Kong. Sa naturang halaga, P315.93 milyon ang mula sa Mainland China at P3.39 milyon mula sa Hong Kong.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, itinanggi ng Chinese Embassy sa Manila ang mga alegasyon na nagluluwal umano ang China ng pondo sa isang political faction sa Pilipinas.