Binalaan ni Senator Risa Hontiveros si suspended Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac na aarestuhin siya matapos na magpadala ang kanyang abogado ng abiso na hindi na naman makakadalo ang kanyang kliyente sa kasalukuyang pagdinig ng Senado sa iligal na Philippine offshore gaming operator (Pogo) hub sa kanyang bayan.
Binigayn diin ni Hontiveros na kung hindi kikilalanin ni Guo ang subpoena, may karapatan ang Senado na maglabas ng arrest order laban sa kanya.
Kasabay nito, pinayuhan ng senadora si Guo na magkakaroon siya ng kapayapaan kung magsasabi siya ng katotohanan tungkol sa kanyang pagkakasangkot sa Pogo activities.
Sinabi ni Atty. Stephen David, isa sa mga abogado ni Guo, sinabihan siya ng kanyang kliyente na hindi siya dadalo sa Senate hearing bukas.
Ayon sa kanya, na-trauma umano si Guo matapos na dumalo sa naunang dalawang pagdinig tungkol sa sinalakay na Pogo complex ng Zun Yuan Technology Inc. sa Bamban.