
Mariing itinanggi ni Senator Imee Marcos na siya ang pasimuno sa bantang kudeta sa liderato ni Senate President Tito Sotto III.
Iginiit ng senadora na hindi siya ang nagplano sa tangkang balasahan sa Senado at buong minorya aniya ang makakapagpatunay nito.
Katunayan aniya, huli na siyang nakaalam at sumapi sa naturang hakbang ng minorya na isulong ang pagpapalit ng liderato.
Katwiran ni Sen. Marcos, ang nagpaugong ng pagpapalit ng Senate President sa loob ng Senado ay dahil sa pangamba ng mga senador na nayayanig ang kanilang institusyon dahil sa mga kaso at kontrobersiyang hindi naman dapat ang mga senador ang managot.
Ipinunto ni Sen. Imee na hindi malaking bagay sa kanya ang mga diskurso at hindi pagkakaunawaan basta’t ito’y nasa tamang dahilan kaya naman lubos ang kanyang pagpapasalamat kay Sotto nang panatilihin siyang Chairman ng Committee on Foreign Relations kahit hindi siya kabilang sa mayorya.
Matatandaang naunang sinabi ni Sotto na isa sa nag-trigger ng coup d’etat attempt laban sa kanya ay ang pagkakatanggal kay Sen. Imee bilang Chairman ng Senate Committee on Foreign Relations.










