TUGUEGARAO CITY-Magpapasa ng resolusyon si Senator Imee Marcos para imbestigahan ng Senado ang naranasang malawakang pagbaha sa probinsya ng Cagayan at Isabela.
Kasabay ng pamamahagi ng relief goods ni Sen. Marcos ngayong araw, Nobyembre 16,2020 sa probinsiya, sinabi nito na kailangang imbestigahan kung bakit nangyari ang pagbaha gayong hindi naman sa probinsya ang direksyon ng bagyong Ulysses.
Ayon kay Marcos ito ay para matiyak na hindi na muling maulit ang naranasang pagbaha at makita kung ano ang mga pagkukulang sa mga bawat concerned agencies.
Inihayag din ni Marcos na kailangan na ring kumpletuhin ang iba pang phases ng Magat Dam Reservoir dahil ayon umano sa kanyang yumaong ama na si dating President Ferdinad Marcos ay hindi nakumpleto ang proyekto sa nasabing Dam.
Aniya, dapat maging buo ito upang may lalabas na outlet para sa Cagayan irrigation, maging sa ibang bahagi ng Isabela.
Ngunit, sinabi ni Marcos na hindi ito ligtas sa ngayon dahil wala nang watershed at kalbo na ang kabundukan dahil sa illegal na pagmimina at quarrying.
Panahon na rin umano para palitan ang Magat Dam dahil ito ay nasa 38 -40 years na mula noong makumpleto ang construction noong taong 1982.
Bukod dito, sinabi ni Marcos na kailangan na ring maitatag ang Department of Water Management para magkaroon ng sariling programa at proyekto sa usapin sa Water Management at agad na matukoy ang responsible kung magkakaroon ng problema.
Paliwanag ni Marcos na sa ngayon ay nasa 30 ahensya ng pamahalaan ang sumasaklaw sa pangangalaga sa katubigan.
Isa rin sa nakikitang solusyon ng senadora sa panahon ng pagbaha maging sa tagtuyot ay ang pagkakaroon ng “Sponge City” tulad sa China kung saan tatamnan ng kawayan sa mga tabing ilog para may mag-absorbed sa tubig tuwing pagbaha at mananatiling maayos ang lupa dahil sa taglay ng mga kawayan na tubig tuwing tagtuyot.
Samantala, itinurn over ni Sen. Marcos sa provincial Gov’t ng Cagayan ang mga kaukulang tulong mula sa kanyang tanggapan tulad ng instant na mga pagkain, nutribun na gawa sa malunggay, kape, gatas, instant soup, tubig, health kits at medicines. with reports from Bombo Efren Reyes Jr.